04-28-2020, 09:08 PM
(This post was last modified: 10-10-2023, 10:34 PM by The Professor.)
INTERBYU ?
Ilang taon na ang lumipas.
Ilang tula na rin ba ang nagawa upang kahit papano’y maibsan ang sakit na nadarama? Balde-baldeng luha ang iniluha kapiling ang mga awiting sa gabi’y nagsisilbing liwanag sa dilim.
Hindi ako pinagpala.
Waring kaakibat ng mga letrang inyong nakikita’y pagdurusa at walang kapantay na pakikibaka sa mga alon, hindi sa dagat kundi sa laban ng buhay ako’y nakakulong.
Hanggang dumating siya.
Ang kwentong dati’y ako lang ang bida, ngayon ay naging kami na. Sa bawat araw na lumipas siya ang naging lakas. Hawak-hawak ang mga kamay at patuloy sa paglalakbay, hindi lamang upang mabuhay kundi maging maligaya ng walang kapantay. Ako’y nabubuhay hindi upang mamatay. Ako’y nabubuhay dahil siya at ang aking buhay ay iisa...
Hindi man pinagpala sa pag-ibig na dapat sana’y kabalikat ko’t kasama, gaya ng kung paano kami’y nagniig kaya may “siya”. Ang pag-ibig na lumisan ay ininda, pinilit mabuhay upang sa kaniya’y maging gabay.
Kaya ngayon, ako’y nandito. Hawak ang pag-asa para sa bagong umaga. Nakabihis ng kahit papano’y magara. Ang dating kimi at mahina ay isa ng matapang na babae at ang tanging maipagmamalaki ay ang sariling pagsusumikap. Kipkip ay mga dokumento sabay sabi sa sariling, “Kakayanin ko ito, magiging akin ang posisyon sa kompaniyang ito”!
Oras na. Pangalan ko’y tinawag na. Nakataas-noong lumakad patungo sa magarang opisina. Huminga ng malalim at ang malapad na mga ngiti’y aking inihanda. Mga ngiting pambungad sa malaking bultong nakatalikod pa.
Hanggang sa pumihit siya. Ako’y natigilan. Maging ang pag-inog ng aking mundo’y unti-unting naparalisa.
Siya. Siya man ay natigilan. Parehong walang mahapuhap na mga salita. Ang pag-ibig na noo’y nawala, ngayon, kaharap ko na. Puso’y nalilito, nakakunot-noo at lubusang nagtataka kung bakit may pananabik pang nadarama. Sa mga damdaming samot-sari at nag-uunahan, pinilit kong tumalikod at tumakbo. Kaalinsabay ng mga dokumentong nahulog ko, pag-asa’y naglaho. Lakad, takbo, at pilit tinakasan ang nakaraang ayaw ng balikan.
Kinabukasan, habang isipa’y patuloy na naglalakbay, ginulantang ako ng bisitang hindi ko inaasahan.
Kamusta ka na?
Bakit ka lumayo?
Mga salitang ni sa panaginip ay hindi ko inaasahan. Sa galit at hinanakit ako’y napamura. Put*ng*na! Ako pa? Ako pa ba ang lumayo? Ikaw ang nang-iwan. Ako ang pinabayaan!
Sa puntong iyon, lahat ng hirap at sakit na nadarama’y parang bukal na nabuksan. Pagdurusa’y malayang nagsilabasan.
Hanggang sa kami’y parehong nagulat ng isang munting tinig ang sumigaw. Iniharang ang sarili sa lalaking nakatayo sa aking harapan. Mumunting kamao ang ubod-lakas na sa kaniya ay bumabayo.
“Bakit mo inaaway ang Mama ko?”
“Mama? Anak mo?”
Nang mga sandaling iyon, hindi ko kinakailangang tumango o sumagot ng “Oo”. Sapagkat siya mismo ay nakatitig sa batang siyang naging sandalan at lakas ko.
Hindi na kailangan ng mga salita. Siya’y napaluhod. Saba’y sabi ng mga katagang kaytagal kong pinangarap at hinintay...
“Anak, ako ang Papa mo!”
Photo Sasha-Drug